1 utas, 2 sugatan dahil sa kuryente

MANILA, Philippines - Napatay ang 26-anyos na lalaki habang dalawang iba pa ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng kanilang mga kapitbahay dahil sa alitan sa suplay ng kawad ng kuryente sa harapan ng panaderya sa Mabuhay Compd. sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City PNP, nakilala ang nasawi na si Roland Yecla ng Mabuhay compound Sauyo Novaliches.

Sugatan naman sina Mark Jayson Yecla, at Mary Mae Chryselden, 17, dalaga, ng 5-B, Cabuyao, Novaliches na sinasabing tinamaan ng ligaw na bala sa katawan.

Arestado naman ang isa sa mga suspect na si Roland Lacaba ng Area 5-3, Sauyo, habang pinaghahanap ang dalawa pang suspek kabilang na si alyas Boy-boy.

Base sa pagsisiyasat ng CIDU, nagsimula ang pamamaril matapos magtalo ang biktima at si Lacaba noong Lunes kaugnay sa pagputol ng linya ng kuryente.

Show comments