Bata nilamon ng apoy

MANILA, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng 3-anyos na batang lalaki matapos na maipit sa nasusunog na bahay sa Brgy. Payatas, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Quezon City Fire Officer 3 Francisco Mabunga ang biktima na si Mark John Contado ng #029 Jade Street.

Ayon sa ulat, nagsimula ang sunog ganap na alas-3 ng madaling-araw sa mismong bahay ng pamilya Contado.

Kasalukuyang natutulog ang biktima kasama ang nanay na si Aiza nang kumalat ang apoy sa kanilang bahay.

Mabilis na sinaklolohan ng ina ang 2-anyos na anak na si Eliza Mae kung saan inilabas sa bahay. Subalit tinangka pa nitong iligtas si Mark John pero malaki na ang apoy kaya naiwan na ito sa loob ng naglalagablab na bahay.

Sugatan din ang mag-ina matapos na madilaan ng apoy ang kanilang braso habang tumatakas sa nagliliyab na bahay. Sinasabing gumagawa ng kandila ang mga magulang ng bata na inilalako sa kalye­ at hinihinalang ugat ng nasabing sunog.

Ganap na alas-3:25 ng madaling araw nang tuluyang maapula ang apoy habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments