MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang kagawad ng Northern Police District (NPD) nang barilin ng mga holdaper matapos na saklolohan ang mga pasahero ng jeep sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si PO2 Joel Magno, 33, ng Navotas Police Station at residente ng #840 Antipolo St., Sampaloc habang nakatakas naman ang apat na armadong kalalakihan na sakay ng tricycle.
Sa ulat ni SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District- Homicide Section, dakong alas-9:20 kamakalawa ng gabi naganap ang insidente sa kahabaan ng J. Marzan St., Sampaloc, Maynila.
Kausap ng biktima ang isang Carlo Mijares, sa J. Marzan St. nang marinig nito ang paghingi ng tulong ng isang babae kaya agad na rumesponde sa nasabing dyip, subalit lingid sa kanya ay nakababa na ang mga suspect sa dyip at papalapit pa lang ang biktima ay agad na itong binaril sa ulo ng isa sa mga suspect habang nakatalikod.
Nang masigurong patay na ang biktima ay agad ding tumakas ang mga suspect sakay ng tricycle.
Nabatid na isang saleslady na si Marieta dela Rosa ang humingi ng saklolo at kabilang umano sa natangay ng mga suspect ang dalawang cellphone na Galaxy Y ng Samsung at Nokia 1280, bukod pa sa dalawang tseke ng Banco De Oro, at cash na P800.
Kaugnay nito, iniutos na ni MPD Director Chief Supt. Alejandro Gutierrez sa kanyang mga tauhan na tugisin ang mga suspect na ang modus operandi ay magkukunwaring mga pasahero ang ilan at driver at maglilibot sa bisinidad ng Sampaloc at kalapit na lugar at kung nakakakuha ng pagkakataon ay isasagawa ang panghoholdap sa kanilang matsatsambahan.