MANILA, Philippines - Nadakma ng mga kagawad ng Manila Police District-Anti-Carnapping and Hijacking Section ang isang 33-anyos na bading na sinasabing tumangay ng isang kotse ng isang placement agency, at narekober naman na nakaparada sa bahay ng kaibigan nito sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nakatakda ring i-turnover sa Taguig City Police ang suspect na kinilalang si King Philip Abraham, ng Blk. 28, Ciudad Grande Village, Ph. I, Brgy. Muzon, Taytay, Rizal, na kasalukuyang hawak pa ng MPD.
Dakong alas-9:00 ng gabi ng Miyerkules nang arestuhin ang suspect sa Ali Mall sa Cubao, Quezon City ng mga pulis Maynila at ikinanta nito ang kinaroroonan ng Honda City (ZSJ-928) na kinarnap niya kaya agad ding nabawi mula sa bahay ng kaibigan ng suspect sa Del Fierro St., Tondo, Maynila.
Ayon pa sa ulat, isang Maritess Romero, pamangkin ng may-ari ng placement agency sa Cityland Makati Executive Tower II, na matatagpuan sa Unit 3512 Dela Rosa St.Brgy.Pio del Pilar, Makati City, ang humingi ng tulong kay Sr.Supt. Ronald Estilles, hepe ng District Directorial Sevices, hinggil sa pagtangay ng suspect ng nasabing sasakyan na nakaparada umano sa basement parking ng Forbeswood Condominium, Rizal Drive, Taguig City noong Abril 10.
Inatasan naman ni Estilles ang Anti-Carnapping na tugisin ang suspect. Sa pamamagitan ng social network na Facebook ay natunton ang suspect at nakipagkaibigan sa kaniya ang isang police asset hanggang sa makumbinsing makipagkita sa kaniya sa nasabing mall.
Nabatid na una nang sinibak ang suspect sa trabaho dahil sa pagnanakaw umano ng tseke na may halagang P300,000 na na-encash pa umano nito at kasalukuyang nasa Makati RTC ang kaso.
Dahil sa pagtangay din umano ng susi, ang suspect na rin ang tinumbok ng complainant na tumangay ng nasabing kotse.