2 holdaper todas sa shootout

MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawang armadong kalala­kihan na sinasabing mga holdaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga ope­ratiba ng Manila Police District sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Inilarawan ang unang nasawing suspect na nasa 20 hanggang 25-anyos, may taas na 5’6’’ hanggang 5’7’’, kayumanggi ang kulay ng balat, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng green na T-shirt at jersey shorts habang ang pangalawang suspect ay nasa 22 hanggang 27-anyos, may taas  na 5’2, kayumanggi ang kulay ng balat, katamtaman ang pangangatawan, kulay itim na T-shirt, at gray na jersey shorts at may tattoo­ na “rosary” sa dibdib.

Nabatid na hinoldap ng dalawa ang mga pasahero ng jeepney (PGF 496) na sina Erica at Melanie Marcellano ng Sta. Ana Maynila at Marcelo Dela Cruz ng Sta. Cruz, Maynila sa under­pass ng Quezon Blvd.

Lingid sa dalawang holdaper ay nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis ng MPD-Station 3 subalit imbes na huminto ay pinaharurot ng driver nito papalayo kaya hinabol ito ng awtoridad.

Tinangka ng mga nakasakay na suspect na maghagis ng granada saka mabilis na bumaba at nagtakbuhan sa ibabaw ng tulay, gayunman hindi pumutok ang granada  kaya hinabol sila ng pulisya.

Hindi tumigil ang mga suspect at pinaputukan pa ang awtoridad kaya gumanti ang mga pulis na nagresulta sa kanilang kamatayan.

Narekober ang dalawang cal. 38 revolver, basyo ng bala at Granada.

Show comments