MANILA, Philippines - Isa sa dalawang kalalakihan na nangholdap sa mga pasahero ng sasakyan ang nasa malubhang kalagayan matapos mabaril ng pulis na kanilang tinangkang biktimahin kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Isinugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center dahil sa tama ng bala sa sikmura na si John Astropid “Kulit” Ortiz, 32, ng #55 Magsaysay St., Brgy. Parang habang pinaghahanap naman ang nakatakas na kasama nito na si alyas Ritchie.
Sumuko naman sa pulisya at nagpasailalim sa imbestigasyon ang nakabaril na si PO3 Orlando Flores ng PNP-Manila Maritime Station.
Sa ulat ng Marikina City PNP, naganap ang panghoholdap dakong alas-7 ng gabi sa loob ng pampasaherong FX (PWT-178) ni Ronald Zapata sa kahabaan ng J.P. Rizal St. sa Brgy. Concepcion 1 kung saan sakay rin si PO3 Flores.
Kinulimbat ng dalawa ang mga mahahalagang gamit at pera ng limang pasahero at saka bumaba sa nabanggit na lugar.
Dito na sinundan ni PO3 Flores ang dalawang holdaper kung saan sa halip na sumuko ay tinangkang magpaputok ng baril ni Ortiz kaya napilitan siyang unahan ito.
Agad namang nakatakas ang kasamahan ni Ortiz habang nakumpiska dito ang cal .38 revolver.