Sobrang Depresyon: Ginang nagbigti

MANILA, Philippines - Isang 50 anyos na ginang ang nagbigti sa sarili dahil umano sa depresyon sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ni SPO1 Gregorio Maramag, may-hawak ng kaso, na si Janneth Rima, 50, ng No. 54 14th Avenue, Murphy, Bgy. Socorro, Quezon City.

Natagpuan ang biktimang nakabitin sa loob ng kanyang kuwarto ng kanyang anak na si Dennis, gamit ang tali ng aso, ganap na alas 7 ng gabi.

Nagawa pang maisugod ni Dennis kasama ng ilang kaanak sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) ang biktima, pero idineklara din itong dead on arrival.

 Sinabi ni Dennis, bago ang insidente, nagpunta sila ng kaanak sa supermarket para mag-grocery, pero hindi sumama ang kanyang nanay at gustong manatili na lang sa kanilang bahay. Laking gulat na lamang nila ng makita ang inang nakabigti.

Batay sa pahayag ng asawa ng biktima, na-depress ang biktima dahil sa problema sa trabaho sa isang recruitment agency kung saan siya nag-resign. Wala namang ibang detalyeng ibinigay ang asawa ng biktima ukol dito.

Lumilitaw naman sa record ng pulisya na ang pagkamatay ni Janneth ay pang-lima na sa mga insidente ng pagpapakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa lungsod Quezon, ngayon lamang buwan ng Abril. 

Show comments