MANILA, Philippines - Libre at walang bayad ang pagsu-swimming sa apat na pampublikong swimming pool ng lungsod ng Maynila bilang tugon sa panganib na dulot ng paglangoy sa Manila Bay.
Ito naman ang tiniyak ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan kasabay ng pagdagsa ng mga taong nais na magswimming sa Manila Bay dahil na rin sa tindi ng init ng panahon.
Ayon kay Marzan, walang dapat na bayaran ang sinumang magsu-swimming sa apat na pool ng city government na kinabibilangan ng nasa Army-Navy, Bagong Buhay, Dapitan Sports Complex at Tondo Sports Complex.
Sinabi ni Marzan na mas makabubuti kung sa mga nasabing pool na lamang maglalangoy ang mga nais na maligo upang makaiwas sa anumang sakit na nakukuha mula sa maruming tubig ng Manila Bay.
Giit ni Marzan, hindi na rin dapat na isama sa pagligo sa Manila Bay ang mga bata na madaling kapitan ng sakit.
Aniya, mas ligtas sa mga pool dahil bukod sa nilalagyan ito ng chlorine upang maalis ang mga kemikal, may sapat na bantay na nakatalaga rito.
Paliwanag ni Marzan, hindi malayong magkasakit ng diarrhea, iba’t ibang skin disease at eye infection ang mga lumalangoy sa Manila Bay dahil alam naman ng lahat na polluted ang nasabing lugar.
Umapela rin si Marzan sa mga nagsu-swimming sa Manila Bay na isaalang-alang ang kanilang kalusugan lalo pa’t gumagawa rin ng mga precautionary measure ang city government.
Sa katunayan ay nilagyan na ng pader at harang ang Manila Bay upang hindi na mapasok at matiyak ang seguridad ng mga namamasyal subalit binabalewala ng publiko.