MANILA, Philippines - Isang 25-anyos na holdaper ang napatay nang makipagpalitan ng putok sa mga pulis matapos ang ginawang panghoholdap kasama ang isa pang holdaper na nakatakas sa proseso ng engkwentro, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Tadtad ng bala sa katawan nang bumulagta ang holdaper na si Marlon Espinar, ng #969 Bo.Obrero, Tondo, Maynila habang nakatakas ang kasama nitong nangholdap sa biktimang si Maribeth Dumawit, 35, ng #1045 Kasipagan St., Tondo, Maynila na natangayan ng kanyang bag na naglalaman P3,050. cash at Nokia 1208.
Sa ulat ni SPO2 Ronald Galoo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi ng Biyernes nang maka-engkwentro ng grupo ni P/Supt. Ernesto Tendero, hepe ng MPD-Station 2 ang dalawang holdaper sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at C.M. Recto, sa Tondo.
Tinutukan ng baril ng suspect ang biktima at puwersahang inagaw ang bag at tumakas.
Namataan naman ng police mobile car ang biktima kaya hinabol ng grupo ni Tendero ang dalawa at sinita subalit patuloy sa pagtakbo at pinaputukan pa sila ni Espinar kaya ginantihan ng putok ng mga awtoridad.
Nabawi kay Espinar ang bag ng biktima at mga laman nito.