MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipagbuno kay kamatayan ang dalawang bata matapos tamaan ng mga ligaw na bala kaugnay sa pamamaril ng dalawang kalalakihang naaktuhang nagkakabit ng illegal na linya ng kuryente kamakalawa ng gabi sa Makati City.
Naisugod sa Pasay General Hospital ang biktimang sina Julius Cris Megal Guevarra, 13; at Renalyn Baligwat, 10, kapwa nakatira sa Marconi Street, Brgy. San Isidro, Makati City.
Si Guevarra ay tinamaan sa tiyan habang si Baligwat naman ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang kamay at binti.
Patuloy naman pinaghahanap ng pulisya ang dalawang suspek na sina Gary Pagaran, at Vladimir Pascual na kapwa nakatira sa #564 Dela Street, Barangay 57, Pasay City.
Ang dalawa ay itinuturong mga pangunahing suspek sa pagkakabit ng illegal na koneksiyon ng kuryente sa mga naninirahan sa kanilang lugar.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na naaktuhan ni Michael Roxas ang pagkakabit ng jumper nina Pagaran at Pascual sa kanilang linya ng kuryente na sakop ng Makati City patungo sa mga bahay na sakop naman ng Pasay City.
Nagsisigaw si Roxas para alarmahin ang kanyang mga kapitbahay na ikinagalit ng dalawa. Dito kumuha ng shotgun si Pascual at pinaputukan si Roxas na nasa kabilang ibayo ng ilog subalit hindi tinamaan.
Dito na kinuha ni Pagaran ang baril sa kasama at sunud-sunod na namaril kung saan nahagip ang dalawang bata na naglalaro lamang sa tapat ng kanilang bahay.