MANILA, Philippines - Napaslang ang 38-anyos na pedicab driver matapos resbakan ng kanyang mga nakaalitan kabilang na isang sundalo ng Philippine Army kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Idineklarang patay sa Ospital ng Sampaloc ang biktimang si Artemio Pacunla ng #865 Earnshaw Street sa nasabing lugar.
Arestado naman ng pulisya ang isa sa mga suspect na si Samuel Simon, 63, tricycle driver, ng 1004 Leyte Street, Sampaloc, Maynila habang pinaghahanap ang isa pang suspect na si Sgt. Richard Natividad ng Philippine Army.
Nabatid sa imbestigasyon ni SPO2 Ronald Gallo, bandang alas 5:38 ng hapon nang magkainitan ang biktima at Simon sa paradahan ng pedicab ngunit kalaunan ay humupa rin ang pag-aaway.
Hindi inakala ng biktima na umuwi lamang si Simon upang tawagin si Natividad at bumalik na may bitbit na baril.
Pagsapit sa paradahan ay pinagbabaril ng mga suspect ang biktima sa ulo.
Tiyempo namang nasa lugar si PO2 Julio Yssey Marquez na umiikot sa University Belt area kaya agad na rumesponde kung saan itinuro sa kanya ang isa sa suspect kaya nadakma si Simon habang nakatakas naman si Sgt. Natividad.
Pinaniniwalaang agawan sa paradahan ng pedicab ang isa sa motibo sa krimen.