MANILA, Philippines - Heat stroke ang sinasabing pumatay sa 26-anyos na katiwala noong Huwebes ng tanghali sa Mandaluyong City. Ang biktima ay kinilalang si Melpert Regino, stay-in sa BFF Industry sa Cordillera St., Brgy. Highway Hills sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PO2 Danilo Patoc ng Criminal Investigation Unit, nadiskubre ni Sofronio Mangcol ang bangkay ng biktima ganap na alas-12 ng tanghali.
“Ginigising ko siya dahil tanghali na pero nagtaka ako kung bakit malamig at matigas na kaya agad kong ipinaalam sa kanyang kapatid na si Maricel,” pahayag ni Mangcol kay PO2 Patoc.
Pinaniniwalaan ng pulsiya na nasawi ang biktima dahil sa matinding init ng panahon noong Huwebes dahil walang nakitang sugat na posibleng palatandaan na may naganap na foul play sa pagkamatay nito. Maging ang mga kamag-anakan ng biktima ay naniniwalang posibleng heat stroke ang ikinamatay ng binata dahil tumanggi na rin ang mga ito na ipasailalim pa sa medico legal examination.