Mister pumalag sa holdap, utas

MANILA, Philippines - Patay ang isang mister habang sugatan ang isang guwardya nang pagbabarilin ang mga ito ng anim na holdaper kamakalawa sa Caloocan City.

Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Maximino Ricafort, 56, ng Venus St., Tandang Sora, Quezon City.

Nilalapatan naman ng lunas sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kanang hita ang guwardyang si Jan Rios, 31, ng Kapanalig St., Caloocan City.

Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sa imbestigasyon ng Station Investigation Division (SID), Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng hapon sa Nadurata St., ng nabanggit na lungsod.

Nabatid, na naglalakad si Ricafort sa nabanggit na lugar upang puntahan ang ipinaradang kotse, nang lapitan ito ng mga suspek sakay ng tatlong motorsiklong hindi na nakuha ang plaka.

Hinoldap ng mga suspek si Ricafort at nang pumalag ay pinagbabaril ang biktima bago kinuha ang gintong kuwintas, bracelet at belt bag na naglalaman ng P30,000.

Sa pagtakas ng mga suspek ay nakasalubong ang nakamotorsiklong si Rios at dahil mukhang pulis ay pinutukan din ng mga suspek bago tuluyang nagsitakas ang mga ito.

Show comments