Call center agent, natagpuang patay sa hotel

MANILA, Philippines - Isang 31-anyos na babaeng call center agent ang natagpuan ng mga room boy sa loob ng hotel na wala nang buhay at may tagas pa ng dugo sa kanyang bibig kahapon ng umaga.

Kinilala ang nasawi na si Meirich Angeles, ng Maybunga, Pasig City.

Batay sa inisyal na ulat ng Cubao Police Station 7, na­dis­kubre ang bangkay ng biktima pasado alas-8:32 ng umaga kahapon sa loob ng Crest Hotel na nasa panulukan ng Annapolis at Aurora Blvd., Cubao, Quezon City.

Wala naman umanong nakitang bakas na sinaktan ang biktima pero duguan umano ang bunganga nito nang ma­tagpuan.

Ayon sa mga roomboy nag-check-in umano ang biktima na may kasamang lalaki pasado alas-8:00 kamakalawa ng gabi sa room 332 ng hotel.

Dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang mapansin nilang nag-check-out umano ang lalaking kasama ng biktima.

Bandang alas-4:30 ng madaling-araw ay kinatok umano ng roomboy ang biktima dahil time-out na at hindi na umano bumalik ang lalaking kasama nito.

Nagtaka umano ang mga roomboy dahil maliwanag na ay hindi pa rin lumalabas ng kuwarto ang biktima kung kaya ginamit na ang master key upang mabuksan ang kuwarto at dito na tumambad sa kanila ang patay na biktima. May hinala ang mga pulis na posibleng inatake umano ang biktima at maaaring sumuka ito ng dugo.

Gayunman, inaalam na ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng lalaking nakasama ng biktima upang mabigyang-linaw ang pagkamatay ng nasabing biktima.

Show comments