MANILA, Philippines - Inihayag na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang linggong suspensyon ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o mas kilala bilang “number coding” sa buong Kamaynilaan.
Nabatid na walang number coding mula Abril 2 (Lunes Santo) hanggang Abril 9 dahil sa paggunita ng Sambayanang Pilipino sa Semana Santa.
Layon ng MMDA na mapabilis ang biyahe ng mga bakasyunista at mga mamamanata sa kani-kanilang mga lalawigan sa maagang pagtanggal sa number coding.
Una nang binuksan ng MMDA ang ‘Oplan Metro Alalay Semana Santa 2012’ o MASS 2012 nitong Marso 23 kung saan tiniyak ang pagbibigay ng tulong ng ahensya sa mga motorista na inaasahang dadagsa sa mga pangunahing lansangan palabas ng Metro Manila.
Maaari umanong tumawag sa MMDA Metrobase Hotline 136 ang mga motorista para sa traffic updates at paghingi ng tulong habang maaari ring makita sa kanilang Facebook at Twitter accounts ang takbo ng trapiko.