Mister, patay sa kainuman

MANILA, Philippines - Patay ang isang mister nang saksakin ito ng kanyang ka­inuman matapos magkakulitan at magtalo kamakalawa sa Muntinlupa City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Muntinlupa Medical Center ang biktimang si Dindo Perez, 36, ng #28 Del Rosario Compound, Brgy. Putatan ng nabanggit na lungsod, nagtamo ito ng malalim na saksak sa kili-kili buhat sa isang kutsilyo. Nakakulong naman sa Muntinlupa City Police detention cell ang suspect na si Jean Arthur L. Barrios, 36, isang warehouse man.

Sa report na nakarating sa tanggapan ni Police Senior Supt. Ramiro M. Bausa, hepe ng Muntinlupa City Police, naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng hapon sa loob ng Del Rosario Compound, Bgy. Putatan, ng nasabing lungsod.

Nabatid na nag-iinuman ang biktima at suspect hanggang sa magkakulitan at humantong sa mainitang pagtatalo. Sinampal muna ng suspect ang biktima bago nito  binunot ang nakatago nitong  kutsilyo  at dito na inundayan ng saksak si Perez.

Kaagad na dinala ang biktima ng ilang taong naroroon sa nabanggit na pagamutan, subalit nasawi din ito habang nilalapatan ng lunas. Ang suspect naman ay nadakip ng mga pulis na rumesponde sa pinangyarihan ng insidente.

Show comments