Binatilyong nalunod sa sapa, natagpuan

MANILA, Philippines - Matapos ang halos anim na oras, bangkay na nang matagpuan ang isang 14-anyos na binatilyo nang tumalon umano sa sapa para maligo subalit nalunod sa lungsod Quezon.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police Station 11, kinilala ang biktimang si John Hendrick Bardoquillo, ng #205 Block 5, Brgy. Damayang Lagi sa lungsod.

Narekober ng mga awto­ridad ang bangkay ng biktima ganap na alas-7:30 ng gabi matapos na pagtulung-tulu­ngang hanapin ng mga opis­yales ng barangay at tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) simula nang mawala ito ganap na alas-12 ng tanghali.

Bago ang insidente, ka­sama ang kaibigang nakilalang si Benjie Pastor, nagpunta umano ang dalawa sa tabi ng sapa ng San Juan River, Mabolo Alley para maglakad-lakad matapos kumain ng pananghalian.

Habang nalalakad ay bigla na lamang umanong naghubad ng kanyang damit ang biktima at saka tumalon sa sapa.

Dahil maburak ang ilalim ng sapa ay hindi nagawang makalangoy ng biktima hanggang sa tuluyang lumubog pailalim at naglaho.

Agad na humingi ng tulong ang kaibigan sa mga opisyales ng barangay na tinangkang sagipin ang bata, pero dahil malalim ay nabigo ang mga ito at nagpasyang humingi ng ayuda sa PCG.

Mabilis na rumesponde ang PCG at sinisid ang maburak na sapa, hanggang makalipas ang halos anim na oras na paghahanap ay natagpuan ang biktima na wala ng buhay. 

Lumilitaw naman sa pagsi­siyasat ni PO2 Alvin Qui­sumbing ng CIDU na hindi umano marunong lumangoy ang binatilyo.

Sabi pa ng mga kaibigan ng biktima, bago ang in­sidente, nagpapaalam na umano ito sa kanila at nagsasabing isang araw ay mawawala na siya. 

Show comments