MANILA, Philippines - Bagama’t tapos na ang pasukan, nakatitiyak naman ang mga mag-aaral sa susunod na pasukan na maganda at maayos ang kanilang mga silid-aralan maging ang mga iba pang silid matapos na pasinayaan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang moderno at makabagong paaralan sa Balut, Tondo, Maynila.
Hindi naman maitago ng mga estudyante, guro at iba pang mga empleyado ng T. Paez Integrated School ang kanilang kaligayahan nang isagawa ni Lim ang ribbon-cutting at pagbabasbas.
Kasama ng alkalde sa nasabing okasyon sina chief of staff at media bureau director Ric de Guzman, Manila Health Department chief Dr. Benjamin Yson, Councilor Niño dela Cruz, mga directors ng city-run hospitals na pinangungunahan nina Dr. Teodoro Martin ng Justice Abad Santos General Hospital; Dr. Mario Lato ng Sta. Ana Hospital; Dr. Marlon Millares,Sampaloc Hospital; Dr. Edwin Perez, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center at Dr. Jun Cando ng Ospital ng Tondo.
Ayon kay Lim, hindi siya ang dapat na pasalamatan ng mga estudyante kundi ang mga magulang nito na patuloy sa pagbabayad ng tamang buwis upang may pampagawa ng school building para sa libreng edukasyon.
Apela ni Lim sa mga estudyante na pagbutihin ang pag-aaral upang makamit ang kanilang pangarap sa buhay.
Nabatid naman kay city engineer Armand Andres, ang bagong four-storey school building na may 16 classrooms ay maaaring maka-accommodate ng 50 estudyante at may 10 ding comfort rooms.
Ang bagong gusali ay dating kinatitirikan ng 40-year-old main building na pinagiba ng DepEd.