Presidential guard, doctor nagsalpukan, kapwa sugatan

MANILA, Philippines - Kapwa sugatan ang isang presidential guard at isang doktor matapos magsalpukan ang kanilang motorsiklo at kotse kahapon ng umaga sa Makati City.

Isinugod sa Makati Medical Center (MMC) ang mga biktimang sina PO3 Leonides Cautiver, 36, nakatalaga sa Presidential Security Group (PSG) at nakatira sa Madrigal Compound, Malacañang, Pandacan, Manila.

Isinugod din sa MMC si Dr. Ricardo Fernandez, 56, ng Makati City at nakatalaga naman sa nabanggit na ospital.

Sa inisyal na report ni SPO1 Marilou Intia, ng Makati City Police Traffic Enforcement Unit, naganap ang in­sidente dakong alas-11:55 ng umaga sa panulukan ng Ayala at Makati Ave­nue ng nabanggit na siyudad.

Nabatid na minamaneho ni PO3 Cautiver ang kanyang Kawasaki Fury Motorcycle (1748-NI) at si Dr. Fernandez naman ay minamaneho ang kanyang Mazda 3 Sedan (XRT-749). Galing umano si Dr. Fer­nandez sa EDSA Avenue at binabagtas nito ang Ayala Avenue habang si PO3 Leonides naman ay nagbuhat sa   Makati Avenue.        

Dito nakasulubong ni PO3 Leonides ang sasakyan ni Dr. Fernandez at huli na bago nito nakontrol ang kanyang motorsiklo kaya tuluyan itong sumalpok sa kotse ng doktor.        

Kapwa isinugod sa nabanggit na pagamutan ang nabanggit na mga biktima.

Show comments