MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang hindi nakikilalang bebot makaraang tumalon sa flyover ng Shaw Boulevard, Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4-5’5, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng short at t-shirt.
Nabatid sa Mandaluyong police na dakong alas-8:00 ng gabi ng mapansin umano ng mga nagdaraang tao ang pag-akyat ng biktima sa bakal na nagsisilbing harang ng flyover.
Sinasabing may mga pumigil sa biktima pero hindi umano nito pinansin na tila walang naririnig at malalim ang iniisip.
Ayon sa pulisya, nang makarating sa itaas ang biktima ay bigla itong tumalon at bumagsak sa sementadong kalsada na sanhi upang magkalasug-lasog ang kanyang mga buto at muntik na rin masagasaan ang kanyang katawan ng mga nagdaraang mga sasakyan.
Hindi kilala sa lugar ang biktima kaya walang makapagsabi sa mga residente ng Barangay Wack-wack kung sino ito na hinihinalang may mabigat na problema na hindi na nakayanan kaya naisipang magpakamatay.
Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.