2 holdaper bulagta sa shootout

CEBU, Philippines -  Dalawa sa tatlo umanong holdaper ang patay makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa nabigong panghoholdap sa isang gasoline station sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.

Sa ngayon, wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawing suspect. Nakatakas naman ang isa sa mga kasamahan nito na siyang nagmamaneho umano ng motorsiklo na gamit nila sa operasyon. Nangyari ang insidente sa may Zabarte Extension, harap ng Diamond Village sa lungsod ganap na alas-4:30 ng hapon.

Sa inisyal na imbestigasyon, bago ang insidente, sakay ng isang motorsiklo ang mga suspect at paikut-ikot sa Petron gasoline station sa kahabaan ng Zabarte­ Road.  Napuna umano ang mga ito ng kawani ng gasolinahan, at dahil kahina-hinalang kilos kaya agad na ipinagbigay alam nila ito sa pulisya na tinungo ang lugar.

Pagsapit sa Zabarte Extension ay nagpaputok umano ng baril ang mga suspect dahilan para gumanti ang mga operatiba. Nang matapos ang ilang minutong palitan ng putok ay nakitang nakabulagta ang dalawang suspect habang nakatakas naman ang isang kasamahan nito.

Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments