MANILA, Philippines - Nag-umpisa nang mapikon ang huwes ng Pasay City Regional Trial Court na humahawak ng kasong electoral sabotage kay dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. sa mistulang pagpapalusot sa hindi pagdalo sa pagbasa ng sakdal nito kung saan binalaan na ito na sasampahan ng kasong contempt of court.
Sinabi ni Pasay RTC Branch 112 Judge Jesus Mupas na wala siyang nakikitang dahilan para maipagpaliban ang pagbasa ng sakdal dahil sa wala namang isinampang mosyon o manifestation si Atty. Albert Lee Angeles bago mag-umpisa ang pagdinig.
Matatandaan na orihinal na nakatakda ang pagbasa ng sakdal nitong Marso 15 ngunit hindi naisagawa dahil sa isinugod sa pagamutan ang akusado. Muli itong itinakda kahapon, Marso 19, ngunit hindi muli dumalo ang akusado.
Ikinatwiran naman ni Angeles na wala pa siyang nakukuhang medical abstract buhat sa pamunuan ng V. Luna General Hospital maging ang Bureau of Jail Management of Penology (BJMP) upang mabatid kung kailan ito makakalabas. Nakaratay pa umano ito sa “intensive care unit (ICU)” dahil sa pneumonia at sakit sa atay.
Nagkasundo naman ang panig ng Comelec prosecution panel at ang depensa na itakda ang susunod na pagdinig sa Marso 26 kung saan isinabay din ito sa pagbasa ng sakdal sa kaparehong kaso kay dating Comelec Chairman Benjamin Abalos.
Itinakda naman ang pagdinig sa petisyon para makapagpiyansa si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Comelec supervisor Lintang Bedol sa darating na Marso 22.