MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkabahala si Manila 3rd District Councilor Bernie Ang hinggil sa nagsusulputang casino at mga E-Games ng Philippine Amusement and Gaming Corporations (PAGCOR) sa Lungsod ng hindi dumadaan sa konseho ng Maynila.
Ayon kay Ang, kailangan na munang makakuha ng Letter Of No Objection (LONO) mula sa city council ang sinumang operator ng casino at E-Games.
Aniya, hindi umano sapat na gamitin ng mga aplikante ang permit na inisyu ng Bureau of Permit upang makapagtayo at makapag-operate ng casino at E-Games.
Paliwanag ni Ang, may mga guidelines na dapat na ipatupad sa pagbibigay ng LONO sa mga casino at E-Games operator. Aniya, kabilang na dito ang distansya sa mga paaralan at simbahan.
Ito rin ang nakasaad sa sulat ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na chairman ng Committee on Games and Amusement ng Senado.
Sinabi ni Pimentel na ang Sangguniang Panglunsod lamang ang may kapangyarihang magbawal o pumayag sa operasyon ng casino at iba pang entertainment at amusement center alinsunod sa pag –iisyu ng LONO.
Giit pa ni Ang dapat ding maimbestigahan ang pagdami ng casino at amusement center sa Maynila sa posibilidad na nagkakaroon ng anomalya o katiwalian dito.
Matatandaang kamakailan ay inutos din ni Manila Mayor Alfredo Lim ang paghuli sa iba’t ibang sugal kabilang na ang bingo at video karera.