MANILA, Philippines - Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District ang may 69 na security guards matapos na magpaputok ng baril sa tangkang pag-take over sa 7.2 ektaryang pinagtatalunang lupa sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Station 9, inaresto ng kanyang mga tauhan ang mga security guards ng Privilege Security Agency at hanggang ngayon ay nasa kanilang kustodiya .
Ang mga ito ay sinampahan na nila ng kasong discharge of firearms, trespassing, alarm and scandal at grave coercion.
Sinabi ni Babagay, pinasok ng naturang mga sekyu ang Titan Dragon properties sa kahabaan ng 11th St. in New Manila, Bgy. Damayang Lagi at sinimulang bantayan ito, ganap na alas 2:30 nitong Sabado.
Kinuha ng Titan Dragon Properties ang Gold Cross Security Agency para i-secure ang property at may 30 on-duty guards ang nagbabantay dito.
Sinabi nina Alejandro Catapang at Gabriel Talavera, security guard ng Gold Cross sa pulisya, bigla na lamang umanong pumasok ang mga security guards ng Privelege at tinanggal ang dalawang yero na nakaharang dito.
Matapos nito, nagpaputok ng dalawang beses ang mga Privilege guards at kinompronta sina Catapang at Talavera saka sinabihang ipinadala sila para itake-over ang property.
Gayunman, umatras din ang Privilege guards nang mapuna nilang may dumating pang mga Gold Cross guards sa lugar.
Sinabi ni Babagay, nang mapuna ng mga residente ang komosyon ay agad na ipinagbigay alam sa kanila ito, dahilan para sila rumesponde at maaresto ang mga guwardiya ng Privilege
Gayunman, sabi pa ni Babagay, wala naman silang nakuhang armas mula sa mga guwardiya ng Privilege guards sa kabila ng umano’y bintang na pagpapaputok ng mga ito ng kanilang armas.
Dagdag ng opisyal, ito ang ika-anim na pagtatangka na ginawa sa nasabing lupain simula ng magkaroon ng alitan sa sinasabing mga may-ari na isang pamilya Veloso at ang Titan Dragon properties na nanatiling naka-pending pa sa korte.