MANILA, Philippines - Dahil sa pagdami ng mga karumal-dumal na krimen sa bansa, pabor si Manila Mayor Alfredo Lim sa pagbabalik ng death penalty.
Ayon kay Lim, sa kasalukuyang batas, habambuhay na pagkabilanggo lamang ang parusa sa mga magkakasala ng matinding krimen kung kaya’t tila hindi natatakot ang mga ito na gumawa ng masama.
Ang posisyon ni Lim ay kinatigan din nina 1st District Councilor Niño dela Cruz at City Administrator Jesus Mari Marzan kung saan sinabi ng mga ito na ang death penalty ang pinakamabisang paraan o deterrent upang mabawasan ang mga krimen tulad ng panggagahasa, pagpatay, kidnapping at ibang heinous crime.
Sa kanilang pagdalo sa ika-55 taong anibersaryo ng kamatayan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay, Jr., sinabi nina Lim, dela Cruz at Marzan, masyado umanong malabnaw ang justice system sa bansa kung kaya’t hindi nabibigyan ng hustisya ang mga pamilya ng mga biktima.
Sinabi ng mga ito na kabi-kabila at sunud-sunod ang kaso ng panggagahasa at pamamaslang sa mga paslit sa Kalakhang Maynila subalit hindi napaparusahan ng maayos ang mga salarin.
Samantala, sinabi naman ni Lim na nagiging makabuluhan at nagkakatotoo ngayon ang State of the Nation (SONA) ni Magsaysay noong Enero 15, 1954. Aniya, ito ngayon ang ginagawa ni Pangulong Benigno Aquino III kung saan ang mga may kasalanan ay iniimbestigahan at sinasampahan ng kaso.
Naniniwala si Lim na kung buhay si Magsaysay, maayos at malinis ang bansa at walang minamanang problema ang Pangulong Aquino.