Seguridad sa arraignment ni Andal Sr., tiniyak

MANILA, Philippines - Walang nakikitang problema ang Pasay City Regional Trial Court sa seguridad ng pagbiyahe ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. para sa pagbasa ng sakdal sa kasong electoral sabotage sa darating na Marso 19.

Sinabi ni Pasay RTC branch 112 legal researcher Felda Domingo na inabisuhan na nila ang BJMP at PNP para sa pagbiyahe nito sa korte dahil sa kailangan ang presensya nito sa pagbasa ng sakdal.

Ipinauubaya na nila ang seguridad ng matandang Ampatuan, nahaharap sa kaso dahil sa pagkakasangkot sa pagma­maniobra ng eleksyon noong 2007 at sa multiple murder na kaso kaugnay ng Maguindanao massacre, sa BJMP at PNP na sanay na sa naturang mga aktibidad.

Ang tanging makakapagpigil muli sa pagbasa ng sakdal ay kung makapagpapalabas ng medical certificate ang mga doktor ng V. Luna General Hospital na hindi kaya ng katawan nito na makadalo sa pagdinig sa Marso 19.

Una nang itinakda ang pagbasa ng sakdal nitong Marso 15 ngunit hindi naisakatuparan dahil sa pagkakaratay sa pagamutan ng akusado.

Naniniwala naman ang korte na sapat na ang panahon na kanilang ibinigay kay Ampatuan para makayanan nitong makabiyahe para sa arraignment upang umusad na ang naturang kaso.

Show comments