Transport caravan hindi raw tigil-pasada ang inilunsad ng PISTON

MANILA, Philippines -  Naging mapayapa ang ginawang transport caravan ng mga militanteng grupo sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) mula Quezon City hanggang Makati ngunit nabigo naman ang mga ito na makalapit sa tanggapan ng Chevron.

Bahagya pang nagkatensyon sa pagitan ng mga nagpo-protesta at mga security guard ng Ayala Center nang harangan ng mga ito ang mga raliyista na makapasok sa Parkway drive.

Nagkasya na lamang ang mga militante sa pagsasagawa ng kanilang programa sa kanto ng Ayala Avenue at Parkway Drive habang nakabantay ang mga security guard at pulis.

Alas-11:00 ng umaga nang marating ng nasa 100 raliyista ang Ayala Avenue na nag-martsa mula sa National Housing Authority (NHA) sa Quezon City at tinahak ang EDSA.  Ineskortan ang grupo ng mga motorcycle rider ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para matiyak na magiging maayos ang caravan.

Iginiit ni San Mateo na hindi sila nag­deklara ng welga o tigil pasada ngunit isang caravan lamang kaya walang dapat sisihin kundi ang pamahalaan sa pagbi­bigay ng maling impormasyon sa publiko.

Inakusahan rin nito ang ibang mga transport group partikular na ang mga lider dahil sa hindi pakikiisa sa caravan kung saan sinabihan niya ang mga ito na walang “palabra de honor”.

 Kabilang sa mga inakusahan ni San Mateo na walang isang salita sina Fe­deration of Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP) president Zeny Maranan, Pangkalahatang Sanggunian Manila & Suburbs Drivers Association (Pasangmasda)  president Roberto “Obet” Martin at Alliance of Concern Transport Organization (ACTO) president Efren De Luna.

Ilang beses na umano nilang napatunayan na walang paninindigan ang mga ito sa mga isyu sa transportasyon na bigla umanong umaatras sa kilos-protesta kapag kinausap na ng Malacañang. (Danilo Garcia, Joy Cantos at Angie dela Cruz)

Show comments