MANILA, Philippines - Dahil sa pagdami ng krimen, paiigtingin na ang pagpapatupad ng curfew hours sa Maynila.
Ito naman ang binigyan diin ni Chief of Staff at Manila Information Bureau chief, Ric de Guzman bunsod na rin ng sunud-sunod na krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Ayon kay de Guzman, kailangan na mas matinding implementasyon ang gawin ng kapulisan at barangay officials upang matiyak na ligtas ang mga menor de edad na nasa lansangan alas-10 ng gabi ay dapat nasa bahay na ang mga menor-de-edad.
Aniya, mapupusok sa away ang mga kabataang may kinakaanibang mga grupo kung kaya’t mas dapat na doblehin ang pagpapairal ng curfew hours.
Iminungkahi ni de Guzman ang pagkaroon ng regular na ugnayan ang kapulisan at mga barangay officials dahil ang mga ito ang siyang nagsasagawa ng monitoring at roving sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ni de Guzman na maging ang mga magulang ay dapat na may partisipasyon sa kaligtasan ng kanilang anak.
Dapat ay alam ng mga magulang kung saan nagpupunta at sino ang mga nakakasalamuha ng kanilang mga anak.