MANILA, Philippines - Nagpalabas na kahapon ang Philippine National Police (PNP) ng P1-M reward para sa sinumang makapagtuturo sa ikaaaresto ng mga salarin na responsable sa kidnap-slay ng 7-anyos na batang babae na natagpuang lumulutang ang bangkay sa creek sa Parañaque City noong Lunes.
Ang bangkay ng biktimang si Clarissa Pizarra, na lumulobo na at halos hindi makilala nang madiskubre sa sapa sa nasabing lungsod.
Kasabay nito, ipinaabot din ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome ang pakikiramay ng PNP sa mga magulang ng biktima.
Samantalang bago natagpuan ang biktima ay nagawa pang mag-text ng mga kidnappers sa mga magulang ng bata na sa mga ‘water lilies’ pulutin ang katawan nito.
Nabatid na ikinalungkot ni Bartolome ang masaklap na sinapit ng biktima bunsod upang imobilisa nito ang investigative units ng National Capital Region Police Office (NCRPO), Southern Police District (SPD) at Parañaque City Police Office upang mabigyang hustisya ang sinapit ng bata.
Magugunita na ang biktima ay huling nakitang buhay noong Pebrero 20 nang dukutin ng hindi pa nakilalang mga kidnapper sa Brgy. San Dionisio hanggang sa matagpuang lumulutang ang bangkay sa Balitahar Creek ng lungsod.