MANILA, Philippines - Dahil sa hindi pagsipot sa isinasagawang re-investigation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa dating Quezon City Representative Nanette Castelo-Daza sa pagkamatay ng dating karelasyon nito na si Noel Orate Sr., muli siyang padadalhan ng subpoena upang personal itong maghayag ng kanyang panig hinggil sa nasabing kaso.
Sa naging paliwanag ng counsel ni Daza na si Atty. Freddie Villamor, sa pagharap nito sa NBI Death Investigation Division, napagkasunduan umano nila ng kanyang kliyente na huwag munang dumalo dahil hindi pa naman kailangan at sa halip ay nagsumite na lamang ng affidavit ang dating kongresista, ni Bobby Castelo at dalawang tennis player na nakakita kay Orate bago namatay.
Sa affidavit na binasa ng abogado, nakasaad na nagkaroon pa ng isang oras na hostage-taking kung saan hinostage ni Orate si Jessica, anak ng dating kongresista.
Ayon sa NBI-DID, ipatatawag muli si Daza dahil kailangang personal na magbigay ito ng kanyang salaysay.