MANILA, Philippines - Hinatulan ng reclusion perpetua ng Manila Regional Trial ang isang lalaki na napatunayang nangholdap at nanggahasa ng dalawang dentista sa Maynila noong nakalipas na taon.
Batay sa 10-pahinang desisyon ni Manila RTC Judge Dinnah Aguila-Topacio ng Branch 42, si Albert Galang dela Cruz, alyas Albert Maliwat, 31, ay napatunayang nagkasala at pinagbabayad ng halagang P193,500 para sa mga alahas at personal na gamit na nakuha sa dalawang biktima na kapwa dentista, bukod pa sa P75,000 para sa civil indemnity at P75,000 para sa moral damages.
Nabatid na gumamit din ng mga alyas na Alvin, Aldrin, Alex, Alexander, Jeffrey, Jason at Jake si dela Cruz at apelyido na Galang, Musngi, Maliwat, Gapeon at Santos.
Nakasaad sa rekord ng korte, naganap ang panloloob ni Dela Cruz sa klinika ng biktimang si Dra. Aida (’di tunay na pangalan) noong Mayo 26, 2011 sa Paco, Maynila.
Nabatid na nagpanggap umano ang suspect na pasyente at magpapalinis ng ngipin. Pagkatapos malinisan ay nagdeklara ng holdap ang suspect.
Hindi pa umano ito nasiyahan at nilimas ang mga alahas ng biktima at ginahasa pa sa loob ng klinika ang dentista.
“Satisfied” at “justice has been served”, ang naging reaksiyon ng mga lumuluhang biktima na dumalo sa ginanap na pagbasa ng hatol sa akusado.