MANILA, Philippines - Hawak na ng mga operatiba ng Quezon City PNP ang dalawang pangunahing suspek sa panghoholdap at pamamaril sa technical director ng ABS-CBN matapos maaresto kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Masambong sa nasabing lungsod.
Kinilala ni QCPD director P/Chief Supt. Dela Vega ang mga suspek na sina Christian Paul Gonzales at David Briones kung saan positibong kinilala ng biktimang si Crisologo “Bingbong” Pangan na siyang nangholdap at bumaril sa kanya noong Sabado sa Panay Ave, Quezon City.
Naaresto ang mga suspek noong Linggo ng gabi matapos tutukan ng baril ang barangay kagawad sa nasabing lugar.
Magugunitang binaril si Pangan matapos na manlaban sa mga suspek na nang-agaw ng kanyang bag na may laptop.
Nagtamo ng tama ng bala sa panga si Pangan at dinala sa Capitol Medical Center.