MANILA, Philippines - Dalawang batang lalaki ang namatay matapos na malunod sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City at Caloocan kahapon.
Hindi na umabot pa sa Quezon City General Hospital si Marvin Aguila, 10, ng no. 22-A Ofelia St., Project 8 sa Quezon City.
Ayon kay SPO2 Francis Escobido, ng QCPD-CIDU nangyari ang insidente dakong alas-11:30 ng umaga sa isang bakanteng lote sa panulukan ng Mindanao Avenue, at Road 20, Project 8.
Kasama ng biktima ang kanyang mga kaibigang sina Edward Luciano at Nataniel Veran na nagpunta sa nasabing lugar kung saan biglang lumangoy ang biktima at na-trap sa isang fishnet.
Agad namang nakita ang biktima ng kanyang mga kaibigan at tumawag ng tricycle saka dinala ang una sa nasabing ospital, pero bigo pa rin silang maisalba ang buhay nito.
Samantala, dakong alas-8 din ng umaga kahapon ng lumutang sa creek ang bangkay ng isang Christian Mico Santos, 6, ng Landaska St., Caloocan City.
Nabatid na noong nakaraang linggo pa hinahanap ng mga magulang nito ang biktima na naglakwatsa dahil sa piyesta sa kanilang lugar.
Nagpaskil pa ng larawan sa mga puno at poste ang magulang ng biktima upang makatulong sa paghahanap sa paslit.
Subalit kahapon ay hindi inakalang lulutang sa creek ang biktima.
Gayunman, nagsa sagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya kung sino ang dumukot sa paslit bago ito matagpuang bangkay.