Kenyan timbog sa P45-M shabu

MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa P45 milyon ang halaga ng 9.36 kilos ng shabu na nasabat ng mga tauhan ng Special Enforcement Service (SES) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at airport officials sa isang Kenyan national makaraang tangkaing ipuslit sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City kahapon.

Sa isinumiteng ulat ni PDEA Director Gen. Jose S. Gutierrez kinilala ang na­dakip na si Lina Aching Noah, 36, na nasabat sa NAIA Ter­minal 1 dala ang hand carry bag nito kung saan nakalagay ang nasabing kontrabando.

Samantala sinabi ni PDEA Spokesperson Evangeline Almenario bago pa man umano dumating sa bansa ang Kenyan ay nakatanggap na sila ng impormasyon mula sa kanilang foreign counterpart na may ipapasok na ilegal na droga sa Maynila.

Dahil dito agad nakipag-ugnayan ang PDEA sa Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Customs (BOC) at binantayan nila ang Terminal 1 hanggang sa duma­ting ang dayuhan sakay ng United Emirates Airlines galing­ Dubai.

Pansamantalang naka­piit sa PDEA–NCR detention facility ang Kenyan national habang isinasailalim ito sa masusing interogasyon.

Show comments