MANILA, Philippines - Matapos masangkot ang 10 pulis sa pagdukot at pangingikil sa apat na Koreano kamakailan, ipatutupad ngayon ng Manila Police District ang balasahan sa mga station commanders.
Ang aksiyon ay bunsod na rin ng kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim sa isinagawang command conference kahapon. Ayon kay Lim, layon ng balasahan na mas maging epektibo ang pagbibibigay ng serbisyo sa mga residente ng lungsod. Hindi umano maaaring gamitin ng mga pulis ang kanilang uniporme upang yumaman lalo pa’t para sa mga pansariling interes.
Sa naturang reshuffle, itinalaga sa MPD-Station 1, Supt. Rolando Tumalad; Station 2, Supt. Ernesto Tendero; Station 3, Supt. Ricardo Layug; Station 4, Supt. Rolando Balasabas; Station 5, Supt. Jemar Modequillo; Station 6, Supt. Fumencio Bernal; Station 7, Supt. Roderick Mariano; Station 8, Supt. Remigio Sedanto; Station 9, Supt. Wynn Marcos; Station 10, Supt. Luis Francisco at Station 11, Supt. Ferdinand Quirante.
Sinibak sa puwesto si MPD Station 3 chief, Supt. James Afalla dahil sa pagkakasangkot ng mga tao niya sa kaso.