3 holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Patay ang tatlo sa apat na holdaper makaraang ma­kipagpalitan ng putok ng baril sa mga rumespondeng tropa ng Quezon City Police District ilang minuto makaraang holdapin ang isang internet cafe sa lungsod, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, isa sa nasawing mga suspect ay nakilalang si Gilbert Lacoste, ng Alley 5, CMU compound, Nort Avenue Agham Road, Project 6 sa lungsod, habang inaalam pa ang pag­kakakilanlan ng dalawang ka­samahan nito na ang isa ay tinatayang nasa edad na 18-anyos at 20-anyos naman ang isa pa. Nakatakas naman ang isa pa sa mga suspect.

Ayon sa pagsisiyasat ni PO3 Jose Roland Belgica, ang mga suspect ay naka-engkwentro ng mga ope­ ratiba ng Police Station 4 makaraang holdapin ng mga ito ang Vintage Cyber cafe na matatagpuan sa Quirino Highway, Brgy. San Barto­ lome ganap na alas-9:50 ng gabi.

Bago ito, may 10 kostumer ang nasabing internet cafe nang biglang pumasok ang apat na mga suspect at biglang naglabas ng baril at pinagtutukan ang mga biktima kasama ang cashier nito.

Agad na kinuha ng isa sa mga suspect ang pera sa cash box sa cashier na nag­lalaman ng P20,000 bago ang gamit ng mga kostumer tulad ng cellphone at pera.

Pero habang nasa kainitan ng pagkuha ng mga suspect sa gamit ay isa sa mga kostumer ang biglang nakatakas papalabas ng internet at nagsisigaw ng saklolo.

Tiyempong nagpapat­rulya naman sa lugar ang mobile patrol unit ng QCPD at agad na humingi ang mga ito ng backup at tinungo ang lugar.

Pagsapit ng tropa ng pu­lisya sa lugar agad na nakita ng mga ito ang mga papatakas na suspect saka minandohan na sumuko, subalit sa halip na sumunod ay pinaputukan sila ng mga ito sanhi para mauwi ito sa engkwentro.

Tumagal ng ilang minuto ang palitan ng putok at nang mahawi ang usok ay nakita na lamang duguang naka­bulagta ang tatlong nabanggit na mga suspect at wala ng buhay.

Show comments