MANILA, Philippines - Patay ang isang market helper at ginang habang sugatan ang isa pa matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspect sa Maynila at Quezon City kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Nessel Senturias, 24, ng Area A Gate 1 Parola compound, Binondo dahil sa tinamong dalawang bala sa katawan habang idineklara namang dead on arrival sa FEU Hospital si Michelle Basa, 44, ng no. 10 Ashley St., Brgy. West Fairview sa lungsod.
Nadaplisan naman sa noo si Rolando Balugo, 23, isang construction worker, ng Area 1 Gate 5 Parola compound, Binondo.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jupiter Tajonera ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-2 ng madaling-araw nang biglang lumutang ang dalawang armadong sus pect sa harapan ng mga biktimang sina Senturias at Balugo na nag-iinuman sa Area H, Parola compound, Tondo, Maynila.
Agad na pinaputukan ng mga suspect si Balugo sa noo subalit agad din itong nakatakbo kasabay ng sunud-sunod na putok.
Dito na nakita ni Balugo ang kaibigan na nakahandusay at wala ng buhay.
Samantala, sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang pamamaril kay Basa sa may harap ng Atherton School, Atherton St., Brgy. West Fairview ganap na alas-12:45 ng hapon.
Sakay ang biktima ng Honda CRV (XGY-667) na minamaneho ng kanyang kaibigang si Lester Gatchalian nang biglang sumulpot sa tabi ng sasakyan ang isang motorsiklo at agad itong pinaputukan ng kalibre 45 baril.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspect habang ang biktima naman ay nagawa pang maisugod ni Gatchalian sa FEU hospital.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng mga suspect sa pagpatay sa mga biktima.