MANILA, Philippines - Maituturing na positibo ang resulta sa isinagawang dry-run ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa motorcycle lane sa kahabaan ng EDSA Avenue matapos na walang naitalang aksidente na sangkot ang motorsiklo sa loob ng isang linggo.
Ito ay matapos tugunan ng mga motorcycle rider ang isinagawa nilang dry-run sa naturang programa, kung kaya’t umaasa si MMDA Chairman Francis Tolentino, na magtutuloy-tuloy na ito.
Mula nang simulan ang dry-run sa paggamit ng blue lane sa 23.8 kilometrong haba ng EDSA, umabot na sa 3,344 ang nadakip ng mga traffic enforcers na pawang isinailalim muna sa 15-minutong seminar.
Pinakamarami aniyang nahuli noong araw ng Lunes at unti-unti ng bumaba ang bilang ng mga lumalabag na patunay na tumutugon na ang mga nagmomotorsiklo sa kanilang programa.
Simula aniya sa Lunes ay mag-iisyu na ng traffic violation receipt ang mga traffic enforcers sa mga lalabag sa paggamit ng motorcycle lane dahil tapos na ang isang linggong dry-run sa naturang programa.
Sinabi ni Tolentino na hindi lamang ang mga lalabag sa paggamit ng blue lanes ang kanilang huhulihin kundi maging ang mga nagmomotorsiklo ng walang suot na helmet at tamang kasuotan pati na ang gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Hindi rin pahihintulutan ng MMDA ang pagsasakay ng lalagpas sa dalawang tao sa isang motorsiklo at kinakailangan na laging nakabukas ang ka nilang headlights kahit maaraw.