Naagnas na bangkay ng trader natagpuan

MANILA, Philippines - Dahil sa masangsang na amoy, nadiskubre ang na­aagnas­ na bangkay ng isang negosyante na nasa loob ng isang comfort room kung saan may saksak ito  sa katawan sa Caloocan City kahapon.

Kinilala ang biktimang si Henry Fabon, 54, ng Mira­monte­ Park West ng nabanggit na lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-10:30 ng umaga nang matuklasan ang bangkay ng biktima matapos makaamoy ng mabaho sa kanilang lugar­  ang mga kapitbahay nito.

Napilitan ang mga awtoridad na sirain ang pinto ng bahay ng biktima hanggang makita si Fabon na wala ng buhay at may saksak sa tiyan.

Nakakuha ng dalawang kutsilyo ang mga pulis na may bahid ng dugo habang nasa tabi ng biktima ang kanyang wallet na naglalaman ng P5,560.

Inaalam na ng mga pulisya kung sino ang pumatay sa biktima at motibo ng pamamaslang.   

Show comments