Sputnik member dedo sa kakosa

MANILA, Philippines - Patay ang isang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang ma­tapos na paluin sa ulo ng dos por dos na kahoy ng kapwa preso sa loob ng Quezon City Jail sa lungsod kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni QC jail warden Supt. Joseph Vela, ang nasawi na si Edgardo Liwag, 35, may kasong illegal drugs habang ang suspect ay si Regie Reyes, 29, may kasong kidnap for ransom at secretary ng ‘Sigue-Sigue gang’.

Naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa nabanggit na piitan. Nilinaw ni Vela na ang insidente ay away ng magka-kosa at hindi isang riot ng mga gang na tulad ng napaulat.

Lumitaw na nag-ugat umano ang insidente, nang komprontahin ni Reyes si Liwag dahil sa pagpapakalat umano nito ng tsismis sa ibang gang hingil sa bantang gagawing panggugulo ng iba pang kasama nila sa gang.

Dahil dito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Liwag at Reyes hanggang sa magbunot umano ng patalim ang una at tangkaing saksakin ang huli. Pero nakadampot umano ng kahoy si Reyes at pinalo sa ulo si Liwag.

Show comments