MANILA, Philippines - Timbog ang dalawang Chinese national sa isinagawang buy bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 9 kaugnay sa pagbebenta ng iligal na droga sa Malate, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Er nesto Tendero, hepe ng MPD-Station 9 ang dalawang dayuhang naaresto na sina Chun-Na Tan, 50, at si Chiok-A Li, 42,.
Nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa nang maaresto ang dalawang dayuhan sa may Service Road ng Roxas Boulevard, Malate, Maynila matapos ang mahabang panahon na surveillance laban sa dalawa.
Nakatanggap ng impormasyon ang nasabing himpilan na sangkot sina Li at Tan sa iligal na aktibidades kaya agad na inihanda ang buy bust operation.
Ayon kay Tendero, narekober mula sa dalawang suspek ang 50 gramong shabu na may market value na P300,000 at cash na nagkakahalaga ng P200,000.
Kasalukuyan nang nakakulong sa MPD-Station 9 ang dalawang suspect habang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Dangerous Act of 2002.