MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy na ang kaso laban kay dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula matapos itong pormal na sampahan ng reklamo ng Haponesang si Noriyo Ohara.
Ayon kay Prosecutor General Claro Arellano, bumuo na rin siya ng panel para magsagawa ng preliminary investigation laban sa sinibak na pinuno ng NBI.
Sa isang pahinang kautusan na may petsang February 15, 2012, hinirang ni Arellano bilang miyembro ng panel sina Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera, Hazel Decena-Valdez at Irwin Maraya.
Nauna nang inirekomenda ng DOJ fact finding comittee na maisalang si Gatdula at ang iba pang opisyal ng NBI sa preliminary investigation para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Nag-ugat ang kaso sa di umano’y pagdukot ng mga tauhan ng NBI kay Ohara noong ika-29 ng Oktubre ng nakalipas na taon at kapalit ng kanyang paglaya, hiningan umano ng NBI ang foster family ni Ohara ng P15-milyon.
Samantala, matatandaan naman na pinalawig ng 20 araw ng Manila Regional Trial Court noong ika-31 ng Enero ang TRO laban sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng DOJ kay Gatdula kaugnay ng nasabing kaso.
Pinangalanan na ni Arellano ang mga miyembro ng panel na hahawak ng preliminary investigation kaugnay ng kasong kidnapping na isinampa laban kay dating NBI Director Magtanggol Gatdula at iba pang opisyal ng NBI.
Ang panel ay binuo sa kabila ng umiiral na 20 araw na temporary restraining order na ipinalabas noong ika-31 ng Enero ng Manila Regional Trial Court.
Bukod kay Gatdula, kabilang din sa mga respondent sina dating NBI security division chief Mario Garcia, Virgelito Gutierrez, Raul Dimaano, Jose Cabillan at Jay Ducusin.