Tinarakan nang nakasagian: Ama utas, anak kritikal

MANILA, Philippines - Isang mister ang nasawi habang nasa kritikal naman na kondisyon ang anak nitong lalaki nang pagsasaksakin ng tatlong lalaki na nasagi ng mga biktima sa kanilang paglalakad sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Patay na nang idating sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga saksak sa lalamunan at ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Arnel dela Cruz, 44, nakatira sa Kawal, Dagat-Dagatan ng nabanggit na lungsod.

Ginagamot naman sa nasabing ospital sanhi rin ng mga saksak sa katawan ang anak nitong si Nelvin dela Cruz, 17.

Nakakulong naman sa Caloocan City Police ang suspek na si Luisito Corpuz, 35 habang pinaghahanap naman ang mga kasabwat nitong si Leo­nardo Corpuz at Edwin Perez pawang residente ng Sawata ng lungsod na ito.

Sa imbestigasyon ng pu­lisya, naganap ang in­sidente dakong alas-7:00 ng gabi sa kahabaan ng Sawata St., ng nabanggit na siyudad.

Napag-alaman na naglalakad ang mag-ama nang ma­sagi ni Nelvin ang tatlo, na ikinagalit ng mga suspek hanggang sa nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Dito na bumunot ng patalim ang mga suspek at pinagtulungan nilang saksakin ang mag-ama. Nadakip naman ng rumespondeng mga tanod si Luisito.  

Show comments