MANILA, Philippines - Patay ang isang negosyante makaraan umanong tamaan sa dibdib nang pumutok ang hawak niyang baril habang nakikipag-girian sa isang kainuman dahil lamang sa pagtatalo sa isang basong tubig sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, si Paul Norman Martinez, 32, binata, ay nagawa pang maisugod sa Quezon City Memorial Medical Center pero idineklara din itong patay sanhi ng isang tama ng bala sa dibdib.
Natukoy naman ang suspect na si Joel Figueroa, 39, government employee at kapitbahay lamang ng biktima sa may no. 48, 20th Avenue, Brgy. San Roque sa lungsod.
Ayon sa ulat ng CIDU, nangyari ang insidente sa may mismong compound ng biktima at suspect ganap na alas 11 ng gabi.
Bago nito, nag-iinuman ang biktima at suspect kasama ang ilang kaibigan nang alukin ng una ang huli ng isang basong tubig.
Nang tumanggi ang suspect, nagalit ang biktima at agad na binunot ang kanyang kalibre 45 baril at itinutok sa una.
Sa puntong ito, nagmakaawa ang suspect sa biktima sa pagsasabing “huwag pare masakit yan” saka sinasalag ang baril.
Nang tangkain ng suspect na agawin ang baril sa biktima ay biglang pumutok ito at tinamaan ang huli sa dibdib.