MANILA, Philippines - “Gusto ko lang pong linisin ang pangalan ko, kaya ako sumuko dahil nagulat ako nang marinig ang balita sa TV na binabanggit ang pangalan ko at nabasa ko sa dyaryo kaya nagpunta ako sa police station sa amin para sabihing wala akong alam.”
Ito ang pahayag ng isa sa tatlong suspek na si Richard Oja, 22, ex-driver ng pamilya Chioa na inakusahang kasabwat din sa panloloob at pamamaslang sa dating amo na si Calvin Chioa, 35, may-ari ng Bulls Eye Laundry Shop sa #1604 Yakal St., Tondo, Maynila.
Matapos ang pagsuko ni Oja sa Naga City PNP sa Camarines Sur, sinundo naman nina PO2 Christopher Cruz at SPO2 Adolfo Agustin para dalhin sa MPD-Homicide Section.
Ayon kay MPD-Homicide Section chief, P/Senior Insp. Joey de Ocampo, ihaharap sa mga saksi si Oja upang kilalanin at ihahambing ang fingerprints niya sa nakuhang fingerprints sa crime scene para beripikahin kung sangkot nga siya sa krimen.
Si Oja ay dating driver ng pamilya Chioa subalit noong Disyembre 31, 2011 ay nagpaalam siyang uuwi sa Camarines Sur at hindi na nakabalik sa trabaho dahil buntis ang kanyang live-in partner.
Aminado naman si Oja na kakilala niya ang naarestong suspect na si George “Toto” Padios dahil kasamahan niya ito sa trabaho pero hindi niya kilala ang isa pang naarestong suspek na si Noel Nuylan, 41, aircon technician.