MANILA, Philippines - Dead on the spot ang isang 30-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) nang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang salarin habang naglalakad kasama ang misis sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Orlando Jaleco, ng Rosal Extn., IBP Road Brgy.Payatas, Quezon City.
Ayon sa ulat, dakong alas-6:30 ng gabi nang barilin ang biktima sa harapan ng isang bahay sa Labores St., Pandacan.
Nabatid na patungo ang biktima at misis na si Yvette upang dalawin ang biyenan sa naturang lugar nang bumili muna umano ng ulam sa isang tindahan. Dito biglang nilapitan ang biktima ng suspect at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo bago mabilis na tumakas.
Inaalam pa ang motibo at pagkakakilanlan sa suspect.