MANILA, Philippines - “Toto drive car.”
Ito ang pahayag ng isang 4-anyos na paslit na naging susi sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD) upang madakip ang dalawa sa apat na suspect sa pagnanakaw at pagpatay sa isang negosyanteng Tsinoy at malubhang pagkasugat sa misis nito at isang kasambahay sa isinagawang follow-up operation.
Iprinisinta ni MPD-Homicide Section chief, Sr. Insp. Joey Ocampo kay Manila Mayor Alfredo Lim ang mga suspect na sina George Padios, 28, alyas Toto, driver; at Noel Nuylan, 41, aircon technician ng Tondo, Maynila.
Ang mga naarestong suspect ay kabilang sa nanloob at pumatay kay Kelvin Chioa, 35, negosyante at malubhang nakasugat sa misis nitong si Charlene, 32; at kasambahay na si Maricel Lebrando, noong Enero 31 ng alas-4:30 ng madaling-araw sa loob ng Bulls Eye Laundry Shop sa Yakal St., Tondo, Maynila.
Si Padios ay positibong itinuro at kinilala ni Lebrando na sumaksak sa kanya. Ito rin ang itinuro ng batang si Nate, na tumangay sa kanya gamit ang sasakyang Toyota Corolla at iniwan sa Alvarez St., Sta. Cruz, Maynila.
“Toto drive car”, ani Nate.
Nabatid na si Padios o Toto ay dating driver ng mga biktima, pero inilipat ng trabaho sa nanay ni Kelvin na dito ito inaresto ng mga pulis. Nalaman na isa pang suspect na umano’y sumuko sa Naga police na nagngangalang Richard ang kinuha naman ng grupo ni Supt. Jemar Modequillo habang isa pa ang pinaghahanap.