Taxi driver naman, hinoldap ng pasahero

MANILA, Philippines - Matapos ang magdamag na pamamasada, walang naiuwi sa pamilya kundi kalungkutan ang isang taxi driver matapos na holdapin ng kanyang pasahero at tangayin ang kanyang kinita at pinapasadang taxi sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.

Ayon sa biktimang si Ernesto Tarala, 43, ng Freedom Park 6, Brgy. Batasan Hills, Quezon City armado umano ng baril ang pasahero niyang holdaper na kumuha sa lahat ng kanyang kinita na nagkakahalaga ng P2,500 at taxi na King and Queen Transit (TXZ-191).

Lumilitaw na nangyari ang insi­dente ganap na alas-10:15 ng gabi sa may Rolex St. corner Dahlia St. Brgy. Fairview.

Bago ito, tinatahak ni Tarala ang kahabaan ng Rolex St. nang parahin siya ng suspect.

Pagkasakay ng suspect sa taxi, hindi pa sila nakakalayo ay bigla itong nagdeklara ng holdap.

Matapos makuha ang pera ni Tarala, hindi pa nasiyahan ang suspect at pinababa siya nito sa kanyang taxi saka pinaharurot ito papalayo.

Tiyempong may dumaraang mobile police sa lugar at hiningan ng tulong ni Tarala, para habulin ang suspect pero nabigo rin silang matagpuan ito.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigas­yon ng awtoridad sa nasabing in­sidente.  

Show comments