MANILA, Philippines - Inatasan na kahapon ng Parañaque City Regional Trial Court ang NBI na ipasa na ang kustodiya sa isa sa mga suspek sa Ramgen Bautista murder na si Ryan Pastera sa Paranaque City Jail.
Sa inilabas na “commitment order” ni Judge Fortunito Madrona ng branch 174, iniutos nito na mapunta na sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) si Pastera at maikulong sa city jail.
Ito’y makaraang iprisinta kahapon ng NBI si Pastera sa korte matapos na sumuko sa ahensya nitong nakaraang Lunes.
Unang sinabi naman ni NBI officer Atty. Romulo Asis na kanilang ililipat ang kustodiya kay Pastera sa oras na magpalabas ng kautusan ang korte.
Ang naturang kautusan ni Madrona ay sa kabila ng isinampang mosyon ni Atty. Melinda Salcedo na payagan silang sa NBI detention cell manatili si Pastera dahil sa mga natatanggap umano nitong banta sa kanyang buhay. Patunay umano nito ang mga napapansin nilang umaaligid na lalaki na lulan ng motorsiklo sa bisinidad ng kanilang bahay.