MANILA, Philippines - Isang ginang ang nagpakamatay sa pamamagitan umano ng pagbaril sa kanyang sarili gamit ang baril ng kanyang asawang pulis sa loob ng kanilang tinutuluyan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Insp. Rafael Peralta, hepe ng investigation division ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, ang biktima na si Zita Delada-Solana, 40, may-asawa ng no.1621 Samuel St., Jordan Plain Subdivision, Brgy. Sta. Monica sa lungsod.
Ayon kay Peralta, ang biktima ay nadiskubre na lamang ng kanyang anak na si John Ray habang duguang nakaupo sa sahig ng kanilang kuwarto ganap na alas 2 ng madaling-araw.
Bago nito, sabay-sabay pa umanong natulog ang biktima, at asawa nitong si PO2 Daniel Solana, nakatalaga sa Police Provincial 4, katabi ang kanilang anak na si John Ray na walang kamalay-malay na magaganap ang insidente.
Diumano, ilang oras ang lumipas ay nagising na lamang si John Ray nang makaramdam ito ng init mula sa katabi, at nang bumangon ay saka natuklasan ang kalunus-lunos na kalagayan ng ina.
Agad na ginising ng bata ang kanyang tatay at isinugod sa FEU hospital ang biktima, pero idineklara din itong dead on arrival dahil sa isang tama ng bala sa dibdib na naglagos sa kanyang likuran.
Narekober sa lugar ang isang kalibre 9mm pistola na may lamang 10 bala at isang deformed slug na ginamit umano sa nasabing insidente.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng CIDU na ikalawang pagkakataon ng tinangkang magpakamatay ng biktima kung saan unang naganap noong Nobyembre ng nakaraang taon nang inumin nito ang chemical na pamatay ng insekto pero agad ding nailigtas ng kanyang mga kaanak.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente kung may naganap na foul play habang isinailalim na rin ng CIDU si Daniel sa paraffin test upang matukoy kung nagpaputok ito ng baril.
Sabi ni Peralta, blangko pa rin sila sa dahilan ng malimit na nagtatangkang magpakamatay ang biktima dahil wala pa silang nakukuhang tiyak na kasagutan sa pamilya nito.